Martes, Pebrero 23, 2016

Kislap sa Dilim

Mula sa kadiliman, unti-unting lumitaw ang tila diamanteng mga bituin kasabay ang pag-ihip ng malamig na hangin. Hindi maiwasan ni Tio Paya ang maalaala ang kaniyang mga magulang. Katulad ng kalangitan na kanina'y madilim dahil sa pagbuhos ng ulan, nagdaan din sa masalimuot na karanasan ang kaniyang mga magulang bago nila natamo ang kislap ng tagumpay.
            Rolando Jaso ang kaniyang tunay na pangalan, ngunit nakasanayan na sa kanilang lugar na tawagin siyang Tio Paya, kamag-anak man o hindi. Siya ang kapitan ng Barangay Ticol, Sorsogon City. Mula pa noong maupo siya sa katungkulang ito noong 2007 ay hindi na siya napalitan dahil naibigan ng mga tao ang kaniyang pamamalakad.
            Parang kailan lang, isa lamang siyang batang walang muwang noon na nagmamasid sa kanyang paligid. Kahit payak ang kanilang buhay, tahimik at masaya ang kanilang tahanan. Isa sa mga magsasaka ng malawak na Hacienda ng mga Jesalva ang kanyang ama. Pagkokopra at pagtatanim ng palay ang kanilang ikinabubuhay. Bagama't hindi nila pag-aari ang lupang sinasaka, wala silang problema dahil mabait ang may-ari nito. Hindi gaya ng ibang mga panginoon ng lupa na ang mas malaking bahagi ng produkto ang kinukuha, sila'y 1/3 lang na bahagi ng produkto ang binibigay sa may-ari, sa kanila ang 3/4. Nauunawaan ng may-ari na ang mga magulang ni Tio Paya ang s'yang namuhunan sa pagtatanim kaya't marapat lamang na sa kanila ang mas malaking bahagi.
            Subalit nagbago ang lahat nang humina na ang kalusugan ng may-ari ng lupang sinasaka ng mga magulang ni Tio Paya. Ang pamamahala ay kinuha na dito ng mga anak at sapilitang pinaaalis ang lahat ng mga magsasaka sa koprahan at binago na nila ang hatian ng produkto sa palayan, naging 50-50 na. Sa umpisa'y nagmatigas ang kaniyang ama dahil hindi sasapat ang kita sa palayan lamang para maitaguyod ang pag-aaral nilang walong magkakapatid, lalo na't mababawasan ang bahagi na kanilang makukuha.
            "Nagsampa noon ng kaso ang mga anak ng may-ari ng lupa laban sa lahat ng mga magsasaka sa Hacienda kasama na ang aking ama. Nagdulot iyon sa aking ina ng matinding sama ng loob na ikinabagsak ng kaniyang kalusugan. Para matapos ang problema ay pinili na lang ng aking mga magulang na iwanan ang koprahan," pagbabalik-tanaw ni Tio Paya.
            Ngunit parang anghel na bumaba sa lupa ang Department of Agrarian Reform (DAR) na nagbalita sa kanila na magkakaroon na sila ng karapatan na maging may-ari ng lupang kanilang sinasaka. Dahil sa agrarian reform program, natapos ang suliranin nilang mag-anak, hindi lang sila nagkaroon ng karapatang maging may-ari ng lupang sinasaka kundi nabawasan din ang paghahari-harian sa kanilang komunidad ng mga anak ng may-ari ng lupa.
            Nakatapos din sa kolehiyo silang walong magkakapatid at may kani-kanila na silang hanapbuhay ngunit naiwan si Tio Paya sa bukid upang pagyamanin ang lupang muntik ng pagbuwisan ng buhay ng kaniyang mga magulang.
            Ilang taon lang ang lumipas, napili din siya ng DAR na pagkalooban ng 2 hektaryang niyugan  sa ilalim ng GOL scheme (paraan ng pamamahagi ng lupa na Government Owned Land) kaya't tulad ng kaniyang ama, siya rin ay tinaguriang Agrarian Reform Beneficiary (ARB).
Ang Barangay Chairperson ng Ticol, Sorsogon City na si Rolando Jaso kasama ang kaniyang pamilya.
Ngayon, isa na rin siyang ama at masaya siya dahil ang isa sa apat niyang mga anak ay nakapagtapos na rin sa kolehiyo habang ang dalawa ay nasa sekondarya pa, at ang bunso ay magkikindergarten na rin sa darating na pasukan. Dahil sa magandang reputasyon na ipinamalas ng kanilang mag-anak sa komunidad, napili siyang maging Chairperson ng Barangay Agrarian Reform Committee (BARC) sa kanilang lugar noong 1990 hanggang 1999.
            "Nag-resign na ako noon sa pagiging Chairman ng BARC dahil marami akong natuklasang bentahan ng lupa na ginagawa ng mga kapwa ko ARBs ngunit mahirap kumilos dahil alam kong kaya nila iyon nagagawa ay dahil sa kakulangan ng puhunan, marami akong masasagasaan kung sakali, kaya umalis na lang ako," wika ni Tio Paya.
            Ipinagpatuloy na lang niya ang pagtulong sa kaniyang mga kababayan sa pamamagitan ng pagtakbo bilang Barangay Chairperson.
            "Kapag naririnig ko na mawawala na ang DAR, nalulungkot ako dahil malaki ang naitutulong nito sa lipunan. Paano kung bawat BARC Chairperson ay hindi rin umaksyon tungkol sa mga maling ginagawa ng mga ARBs at landowners? Kung wala ang DAR, sino na ang lulutas sa problema?" aniya, "walang problema sa DAR kundi yung batas ang dapat baguhin, kailangang maging angkop ito sa pangangailangan ng pagkakataon. Iba na ang panahon ngayon, hindi na lahat ng magsasaka ay inaapi ng may-ari ng lupa at hindi rin lahat ng mga may-ari ng lupa ay malulupit. Walang problema sa programa, ang problema ay nasa ARB mismo,"
         Kapag tinatanaw niya ang kalangitan at walang natatanaw na kislap ng mga bituin, hindi nawawalan ng pag-asa si Tio Paya. Malamig man ang simoy ng hangin na humahampas sa kaniyang katawan,  alam niyang hindi siya nag-iisa. Hangga't naririyan ang DAR na kaagapay nila sa pag-unlad, may kayakap sila.