Mula
sa kadiliman, unti-unting lumitaw ang tila diamanteng mga bituin kasabay ang
pag-ihip ng malamig na hangin. Hindi maiwasan ni Tio Paya ang maalaala ang
kaniyang mga magulang. Katulad ng kalangitan na kanina'y madilim dahil sa pagbuhos
ng ulan, nagdaan din sa masalimuot na karanasan ang kaniyang mga magulang bago
nila natamo ang kislap ng tagumpay.
Rolando Jaso ang kaniyang tunay na
pangalan, ngunit nakasanayan na sa kanilang lugar na tawagin siyang Tio Paya,
kamag-anak man o hindi. Siya ang kapitan ng Barangay Ticol, Sorsogon City. Mula
pa noong maupo siya sa katungkulang ito noong 2007 ay hindi na siya napalitan
dahil naibigan ng mga tao ang kaniyang pamamalakad.
Parang kailan lang, isa lamang
siyang batang walang muwang noon na nagmamasid sa kanyang paligid. Kahit payak
ang kanilang buhay, tahimik at masaya ang kanilang tahanan. Isa sa mga
magsasaka ng malawak na Hacienda ng mga Jesalva ang kanyang ama. Pagkokopra at
pagtatanim ng palay ang kanilang ikinabubuhay. Bagama't hindi nila pag-aari ang
lupang sinasaka, wala silang problema dahil mabait ang may-ari nito. Hindi gaya
ng ibang mga panginoon ng lupa na ang mas malaking bahagi ng produkto ang
kinukuha, sila'y 1/3 lang na bahagi ng produkto ang binibigay sa may-ari, sa
kanila ang 3/4. Nauunawaan ng may-ari na ang mga magulang ni Tio Paya ang
s'yang namuhunan sa pagtatanim kaya't marapat lamang na sa kanila ang mas
malaking bahagi.
Subalit nagbago ang lahat nang humina
na ang kalusugan ng may-ari ng lupang sinasaka ng mga magulang ni Tio Paya. Ang
pamamahala ay kinuha na dito ng mga anak at sapilitang pinaaalis ang lahat ng
mga magsasaka sa koprahan at binago na nila ang hatian ng produkto sa palayan,
naging 50-50 na. Sa umpisa'y nagmatigas ang kaniyang ama dahil hindi sasapat
ang kita sa palayan lamang para maitaguyod ang pag-aaral nilang walong
magkakapatid, lalo na't mababawasan ang bahagi na kanilang makukuha.
"Nagsampa noon ng kaso ang mga
anak ng may-ari ng lupa laban sa lahat ng mga magsasaka sa Hacienda kasama na
ang aking ama. Nagdulot iyon sa aking ina ng matinding sama ng loob na
ikinabagsak ng kaniyang kalusugan. Para matapos ang problema ay pinili na lang
ng aking mga magulang na iwanan ang koprahan," pagbabalik-tanaw ni Tio
Paya.
Ngunit parang anghel na bumaba sa
lupa ang Department of Agrarian Reform (DAR) na nagbalita sa kanila na
magkakaroon na sila ng karapatan na maging may-ari ng lupang kanilang sinasaka.
Dahil sa agrarian reform program, natapos ang suliranin nilang mag-anak, hindi
lang sila nagkaroon ng karapatang maging may-ari ng lupang sinasaka kundi
nabawasan din ang paghahari-harian sa kanilang komunidad ng mga anak ng may-ari
ng lupa.
Nakatapos din sa kolehiyo silang
walong magkakapatid at may kani-kanila na silang hanapbuhay ngunit naiwan si Tio
Paya sa bukid upang pagyamanin ang lupang muntik ng pagbuwisan ng buhay ng
kaniyang mga magulang.
Ilang
taon lang ang lumipas, napili din siya ng DAR na pagkalooban ng 2 hektaryang
niyugan sa ilalim ng GOL scheme (paraan ng pamamahagi ng lupa
na Government Owned Land) kaya't tulad ng kaniyang ama, siya rin ay tinaguriang
Agrarian Reform Beneficiary (ARB).
Ang
Barangay Chairperson ng Ticol, Sorsogon City na si Rolando Jaso kasama ang
kaniyang pamilya.
|
Ngayon, isa na rin siyang ama at masaya siya dahil
ang isa sa apat niyang mga anak ay nakapagtapos na rin sa kolehiyo habang ang
dalawa ay nasa sekondarya pa, at ang bunso ay magkikindergarten na rin sa
darating na pasukan. Dahil sa magandang reputasyon na ipinamalas ng kanilang
mag-anak sa komunidad, napili siyang maging Chairperson ng Barangay Agrarian
Reform Committee (BARC) sa kanilang lugar noong 1990 hanggang 1999.
"Nag-resign na ako noon sa
pagiging Chairman ng BARC dahil marami akong natuklasang bentahan ng lupa na
ginagawa ng mga kapwa ko ARBs ngunit mahirap kumilos dahil alam kong kaya nila
iyon nagagawa ay dahil sa kakulangan ng puhunan, marami akong masasagasaan kung
sakali, kaya umalis na lang ako," wika ni Tio Paya.
Ipinagpatuloy na lang niya ang
pagtulong sa kaniyang mga kababayan sa pamamagitan ng pagtakbo bilang Barangay
Chairperson.
"Kapag naririnig ko na mawawala
na ang DAR, nalulungkot ako dahil malaki ang naitutulong nito sa lipunan. Paano
kung bawat BARC Chairperson ay hindi rin umaksyon tungkol sa mga maling
ginagawa ng mga ARBs at landowners? Kung wala ang DAR, sino na ang lulutas sa
problema?" aniya, "walang problema sa DAR kundi yung batas ang dapat
baguhin, kailangang maging angkop ito sa pangangailangan ng pagkakataon. Iba na
ang panahon ngayon, hindi na lahat ng magsasaka ay inaapi ng may-ari ng lupa at
hindi rin lahat ng mga may-ari ng lupa ay malulupit. Walang problema sa
programa, ang problema ay nasa ARB mismo,"
Kapag tinatanaw niya ang kalangitan at walang natatanaw na kislap ng mga bituin, hindi nawawalan ng pag-asa si Tio Paya. Malamig man ang simoy ng hangin na humahampas sa kaniyang katawan, alam niyang hindi siya nag-iisa. Hangga't naririyan ang DAR na kaagapay nila sa pag-unlad, may kayakap sila.
Kapag tinatanaw niya ang kalangitan at walang natatanaw na kislap ng mga bituin, hindi nawawalan ng pag-asa si Tio Paya. Malamig man ang simoy ng hangin na humahampas sa kaniyang katawan, alam niyang hindi siya nag-iisa. Hangga't naririyan ang DAR na kaagapay nila sa pag-unlad, may kayakap sila.
Thumbs up po!
TumugonBurahin